Senador Trillanes Pinagso-sorry
Kung hihingi ng tawad si Sen. Antonio Trillanes IV sa pagtawag niya sa mga senador bilang tuta at duwag, hindi na itutuloy ni Sen. JV Ejercito ang pagsusulong ng reklamo sa Senate committee on ethics laban sa kasamahang mambabatas.
“Hindi naman tayo vindictive na tao na pag nag-sorry sige pa rin. Pag nag-apologize end of story na,” ani Ejercito.
Binanggit pa ng senador na ayaw sana niyang kasuhan si Trillanes dahil sa kasamahan niya ito sa Senado. Gayunman, hindi aniya katanggap-tanggap ang naging paratang nito sa mga senador na miyembro ng majority bloc bilang mga tuta umano ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Inamin naman ni Ejercito na noong administrasyong Arroyo, sinusuportahan niya ang ginawang hakbang ni Trillanes sa paglulunsad ng kudeta kay dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo dahil sa kuwestiyonableng mandato nito sa taumbayan. Subalit sa pagkakapanalo ni Pangulong Duterte sa 2016 elections, sinabi ni Ejercito na malinaw ang mandato na ibinigay sa kanya ng higit 16 na milyong Pilipino.
Sinabi rin ni Senate Majority Leader Vicente “Tito” Sotto III na pinaka-honorableng dapat na gawin ni Trillanes ang paghingi ng paumanhin.
“Medyo mali ‘yung terms na ginagamit niya kaya naging offensive..An apology could be the honorable way out..Not the easy way out, it’s the honorable way out,” ayon kay Sotto, chairman ng Senate committee on ethics.
Leave a Comment