Gusali Gumuho sa Lindol
Bagsak ang gusaling ito sa Kananga, Leyte makaraang yanigin ng magnitude 6.5 na lindol ang bahagi ng Kabisayaan kahapon. Sa pinakahuling ulat, 1 ang kumpirmadong patay habang mahigit sa 10-katao ang sugatan at mabilis na dinala sa mga pagamutan. Habang sinusulat ang balitang ito, patuloy ang pagdating ng mga report mula sa mga lugar na nilindol na ang sentro ay naitala sa Jaro, Leyte.
Dalawa ang patay habang hindi bababa sa apatnapu ang sugatan at may ilan pang residente ang naipit sa pagguho ng gusali sa bayan ng Kananga, Leyte dahil sa pagtama ng magnitude 6.5 na lindol, Huwebes ng hapon.
Sa paunang impormasyon, sinabi ni Kananga, Leyte Mayor Rowena Codilla na isang bangkay na ang kanilang nakuha sa isinagawang search and rescue operation.
“May na-retrieve na kami na isang dead saka isang wounded. I don’t know the age pero yung namatay ay lalaki, tapos babae ang wounded,” ani Codilla.
Ang gumuhong gusali aniya ay isang mayroong grocery, hardware at boutique sa ibaba nito.
(As of posting time), Nagsasagawa pa rin ng search and rescue operations ang mga otoridad sa gumuhong gusali dahil pinaniniwalaang marami pa ang naipit sa guho.
Samantala, kinumpirma rin ni Ormoc City Mayor Richard Gomez na isa ang namatay sa kanilang lugar.
Kasabay nito, tinatayang apatnapu ang mga residenteng nagtamo ng bali at galos sa katawan dahil sa lindol.
“Meron kaming reported na number of patients dito, mga about 40. ‘Yung iba nadala na namin sa ospital, tinitreat sila. Karamihan dito mga na-shock, na-trauma tapos ‘yung iba naman dinadala sa district hospital dito sa Ormoc,” ani Gomez.
“Minor injuries lang tapos ‘yung iba naman siguro na-shock ‘yung iba sa trauma sa earthquake. Although merong concerned fatality doon sa isang mountain barangay namin, natabunan ng landslide,” dagdag ng alkalde.
Alas-4:03 ng hapon kanina (Huwebes) nang tumama ang malakas na lindol sa ilang bahagi ng Visayas at Mindanao.
Sa eartquake bulletin ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), natukoy ang epicenter ng lindol sa layong 8 kilometro ng Jaro, Leyte.
May lalim na dalawang kilometro ang pagyanig at tectonic ang sanhi nito.
Naramdaman ang Intensity 6 sa Jaro at Kanagnga sa Leyte; Intensity 5 sa Tacloban City; Palo, Leyte; Cebu City; Mandaue City; at Ormoc City.
Intensity 4 sa Catbalogan City; Cabucgayan and Naval, Biliran; Tolosa at Bato, Leyte; Hinunangan, Southern Leyte; Sagay City sa Negros Occidental; at Burgos sa Surigao de Norte.
Intensity 3 sa Bogo City at Talisay sa Cebu gayundin sa Roxas City; Iloilo City; Bacolod City; Inopacan, Leyte; Sogod, Southern Leyte; Calatrava, Negros Occidental; Tagbiliran City at Jagna, Bohol.
Intensity 2 sa Libjo, San Jose, Cagdianao sa Dinagat Islands; Sorsogon City; Lapu-Lapu City, San Juan sa Southern Leyte; Javier, Leyte ay nakaranas naman ng Intensity at Intensity 1 sa La Carlota City sa Negros Occidental at sa Catarman, Northern Samar.
Leave a Comment