Pinsala sa Marawi sa ika-47 araw ng bakbakan
Sunod-sunod ang airstrikes ng militar sa ika-47 araw ng bakbakan sa Marawi. Target nila ang natitirang 80 miyembro ng Maute group na nagkukuta pa rin sa ilang gusali ng lungsod at gumaganti sa opensiba ng gobyerno.
Bakas ang matinding pinsala sa mga gusali sa lungsod. Ayon sa Armed Forces of the Philippines (AFP), bukod sa pagsupil sa mga terorista, patuloy rin ang kanilang operasyon para mailigtas ang mga sibilyang patuloy na naiipit sa sigalot kabilang na ang mga bihag ng Maute.
Nitong Linggo, Hulyo 9, nasagip ng AFP ang isang lalaking limang araw na lumangoy sa Agus River para lang makatakas sa mga umaasintang terorista.
Ayon sa nakaligtas na si Jun Abapo, may dalawa pa siyang kasamang lumangoy sa ilog pero nagkahiwa-hiwalay sila.
Para rin maitawid ang gutom habang nasa ilog, kumain siya ng mga water lily at kung ano-ano pang lumulutang sa tubig.
Ilang ‘bakwit’, nagkasakit dahil sa ipinamahaging ‘bulok’ na bigas
Tila lumala pa ang kalagayan ng ilang ‘bakwit’ sa mahigit isang buwang pakikipagsiksikan sa evacuation centers.
Nanganak ang 20 taong gulang na si Sameyara Pangsayan sa isang sulok ng evacuation center noong katapusan ng Hunyo.
Ligtas man niyang nailuwal ang anak, nangangamba pa rin siya ngayon para sa kalusugan ng sanggol. Ni wala nga raw maisuot na damit ang kaniyang baby. Wala rin itong diapers. May sore eyes naman ang isa pang anak ng ginang.
Sa kabilang evacuation center, may mga dumadaing naman tungkol sa mga pagkaing kanilang tinatanggap. Sumakit umano ang tiyan ng ilang bakwit matapos kumain ng tila bulok na bigas na kabilang umano sa mga ipinamahaging relief goods.
Kaya naman mismong social worker ng Department of Social Welfare and Development-Autonomous Region in Muslim Mindanao (DSWD-ARMM) na ang umaapela sa mga mamamahagi ng relief packs. Anila, tiyakin din dapat ang kalidad ng mga pagkaing ipinapamahagi sa mga bakwit.
Ayon sa Provincial Crisis Management Committee, tuloy-tuloy ang kanilang pagtulong sa mga bakwit. Pinapaspasan din ng DSWD ang pagtatayo ng tents na magsisilbing pansamantalang tirahan ng evacuees habang nagpapatuloy pa rin ang bakbakan sa Marawi.
Leave a Comment