Nakaumang ang Dagdag-presyo sa kuryente At produktong petrolyo

Halos wala nang aasahang bawas-singil sa July bill ang mga konsumer ng MERALCO. Muli ring nagbabadyang tumaas ang presyo ng produktong petrolyo. 
Nagsimula na ang P0.79 na refund ng MERALCO noong Hunyo na magpapatuloy hanggang sa bill sa Agosto. 
Noong Hunyo, sumadsad ang presyo ng kuryente dahil sa bawas na P1.43 kada kilowatthour.
Gayumpaman, maaaring hindi na umabot ng P.10 ang bawas sa bill sa Hulyo, depende sa magiging adjustment ng MERALCO sa bill sa nasabing buwan.
"If it is an upward adjustment, it will stay within single digit range. Ibig sabihin, hindi aabot ng P.10 centavos," ayon kay Joe Zaldarriaga, tagapagsalita ng MERALCO. 
Ibig sabihin, kung wala ang P0.79 na refund, mas malaki pa ang itataas sa singil sa kuryente ngayong buwan.
Bukas pa iaanunsiyo ng MERALCO ang eksaktong adjustment sa bill para sa Hulyo.
Nagpasabi na rin ang MERALCO na talagang may epekto sa bayarin kapag natapos o nawala na ang refund pagdating ng bill sa Setyembre. 
Kapag nawala na ang refund, siguradong sisirit pataas ang singil sa kuryente na mangyayari sa Setyembre. 
"There will be significant upward adjustment," ayon kay Zaldarriaga.
Paghina ng piso ang nakikitang dahilan ng MERALCO kaya pataas ang July bill.
"Ang singil kasi ng generators, in dollars na," ani Larry Fernandez, ang head ng utility economics ng MERALCO. 
Nagbabadyang pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo
Sa unang tatlong araw ng trading sa world market, nasa P1.20 kada litro ang iminahal ng imported na diesel, at P0.80 kada litro naman sa gasolina. 
Subalit, may dalawang araw pa ng trading kaya posibleng lumobo pa o lumiit ang nakaumang na dagdag-presyo sa petrolyo. 

No comments

Powered by Blogger.