Marawi mayor pumalag sa 5-year Martial Law

Bagama’t suportado ang idineklarang Martial Law sa Mindanao, pinalagan naman ni Marawi City Mayor Majul Gandamra ang planong pagpapalawig sa deklarasyon ng hanggang limang taon.
“Suportado naman ng lokal na pamahalaan ang pagdedeklara ng Martial Law ni Pangulong Rodrigo Duterte sa buong Mindanao at ito ay nakatulong sa nararanasang lawlessness sa lungsod pero sa tingin ko ay maaga pa para sa plano,” wika ni Gandamra.
Iginiit ni Gandamra na mayroon pang mahigit isang linggo bago mapaso ang deklarasyon kaya maituturing pang premature para pag-usapan o magdeklara kung gaano katagal itong palalawigin.
Ipinaliwanag naman ni Gandamra na kung kakailanganin sa sitwasyon ang pagpapalawig sa Martial Law, nasa Pangulo aniya ang kapangyarihan upang ito ay gawin at hindi naman nila ito tututulan.
Sinabi ni Gandamra na kung kaya lamang maibalik sa normal ang sitwasyon sa Marawi City kahit walang Martial Law ay mas pabor silang huwag na itong palawigin, gayunman kung talagang mananatili ang banta ng pag-atake ay hindi naman sila tututol sa pagpapalawig sa Batas Militar.
Aminado rin si Gandamra na hindi basta-basta ang sitwasyon lalo pa at may mga foreign fighters sa panig ng mga kalaban, pero masyado naman aniyang mahaba ang panukalang limang taong extension.

No comments

Powered by Blogger.