50 STUDES HINIMATAY

Iyakan, sigawan at takbuhan ng mga residente ang naganap nang yanigin ng magnitude 5.6 na aftershock ang lalawigan ng Leyte kahapon ng umaga kung saan 50 high school students ang iniulat na hinimatay dahil sa labis na takot.
Unang iniulat na magnitude 5.4 ang aftershock na nangyari bandang alas-9:41 ng umaga kahapon subalit batay sa monitoring ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), pumalo umano ito sa magnitude 5.6 at umabot sa intensity 8 ang lakas ng paggalaw ng lupa sa bahagi ng Ormoc City.
Nag-panic ang mga residente na hindi pa nakakarekober sa trauma na dulot ng magnitude 6.5 na lindol noong Huwebes (Hulyo 6) ng hapon.
Sa report ng Ormoc City Disaster Risk Reduction and Management Office, umaabot sa 50 estudyante ang nawalan umano ng malay sa loob ng kanilang classroom nang makaramdam ng pagkahilo dulot ng ma­lakas na lindol.
Nasa kalagitnaan umano ng klase sa ikalawang palapag ng gusali sa Ormoc City National High School nang sunud-sunod na mag-collapse ang mga estudyante.
Mabilis na rumesponde ang ilang mga ambulansya kasama ang doktor sa lugar at isa-isang nilapatan ng atensyong medikal ang mga mag-aaral sa inilatag na command post kasabay ng pagpapakalma sa mga bata.
Dalawang lalaki naman ang iniulat na tu­malon mula sa second floor ng isang hotel sa kalagitnaan ng pagyanig.
Ayon sa tagapagsalita ng Ormoc City Police na si Supt. Ma. Elma delos Santos, nasa Pongos Hotel sa Bonifacio Street ang dalawang indibidwal nang mangyari ang magnitude 5.6 na aftershock.
Kinilala ni Delos Santos ang dalawa na sina Alexander Balang, 45, at Edgar Tabaco, pawang mga residente ng Baesa, Quezon City.
Kaagad namang isinugod sa Ormoc Doctor’s Hospital ang dalawa na nagtamo lamang ng minor injuries.
May mga estudyante naman na dumapa sa sahig at sabay-sabay na lumabas ng mga school building sa gitna ng klase nang mangyari ang insidente.
‘POWERFUL’ AFTERSHOCK
Sinabi ni Phivolcs Director Renato Solidum na ang naitalang magnitude 5.6 na pagyanig kahapon ng umaga ay itinuturing na pinakamalakas na aftershock simula nang maganap ang magnitude 6.5 earthquake noong Huwebes.
Naramdaman ang intensity 5 sa Kananga, intensity 4 sa Mayorya sa Leyte, Tacloban City at Mandaue, intensity 3 sa Loay at Jagna sa Bohol at Cebu City, at intensity 2 sa Lapu-Lapu City at Cadiz City sa Negros Oriental.

Quake victims ipagdasal at tulungan

Nanawagan kahapon ng dasal sa taumbayan ang Simbahang Katolika para sa mga residente na nakakaranas ng malalakas na aftershocks matapos tumama ang magnitude 6.5 na lindol sa lalawigan ng Leyte.
Ayon kay Rev. Fr. Isagani Petillos, parish priest ng St. Peter and Paul Parish sa Ormoc City, 800 pamilya ang direktang naapektuhan ng naganap na paglindol at nangangailangan ngayon ng tulong matapos masira at maapektuhan ang kanilang mga kabahayan.
“We are asking for more prayers kasi it is normal na after ng malakas na paglindol may mga aftershocks kaya lang kapag ganito na medyo malakas nagpa-panic talaga ang mga tao siguro we ask for more prayers,” sabi ni Petillos.
Kumikilos na rin aniya ang Simbahang Katolika sa lalawigan ng Leyte para maghatid ng tulong sa mga pamilya na naapektuhan ng lindol.
Sinabi ni Petillos na suliranin ngayon ang pagkakaroon ng maayos na masisilungan ng mga pamilya ganun na rin ang pagkain, bigas, mga gamot at tubig.
“Kasi ngayon ‘yung mga tao na nasiraan ng bahay they are living sa gilid ng kalsada na may mga tents, may nag-donate na ng mga tents parang mga tarpaulin, ‘yun lang problema kapag umulan mababasa talaga sila kasi mga makeshift lang ito,” ani Petillos. 

No comments

Powered by Blogger.