100 sasakyan nasampolan sa unang araw ng Anti-Distracted Driving Act
Mahigit sa 100 motorista ang nasampolan kahapon sa unang araw na ipinatupad na Anti – Distracted Driving Act (ADDA) sa magkakahiwalay na operasyon na isinagawa ng Metro Manila Development Authority (MMDA), Land Transportation Office (LTO) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Ayon naman kay Atty. Aileen Lizada, spokesperson ng LTFRB ang mga nahuling motorista ay naaktuhang gumagamit ng celphone at gadget habang nagmamaneho sa kalsada.
Nasa 35 naman ang siyang nahuli ng mga tauhan ng LTO.
Sa Quezon City isang driver ng UV-Express ang naaktuhang gumagamit ng two-way radio na nagtangka pa umanong tumakas, na hinabol at inaresto.
Samantala, aminado naman si retired Col. Rolando Abelardo deputy chief of operations ng LTO-Law enforcement Service na mahirap sa naked eye o sa simpleng pagtingin na makita ang mga gumagamit ng gadget dahil sa makapakal ang tint ng ibang pribadong sasakyan, kaya pumuwesto ang mga enforcer malapit sa stop light upang, kapag nag-slow down ay kanilang masisilip kung gumagamit ng cellphone o gadget ang driver nito.
Sa bagong Implementing Rules and Regulations (IRR), pinapayagan na ang paglalagay ng gadget sa harapan ng dashboard panel ng sasakyan, pero dapat pasok ito sa tinatawag na Safe Zone o hindi lalagpas sa apat na pulgada mula sa dashboard para hindi na makaharang sa paningin ng driver o hindi ito makaka-distract habang nagmamaneho.
Pwede rin gumamit ng mga dashcam pero dapat ay nasa likod ng rear view mirror. Bawal pa ring mag-text, tumawag, maglaro ng games at manood ng video at mag-internet habang nagmamaneho.
Pwede lamang nakipag-usap sa cellphone, kung may gamit na handsfree device ang driver.
Sa unang paglabag, nasa P5,000 ang magiging multa, sa pangalawang paglabag ay nasa P10,000, P15,000 sa ikatlong paglabag at P20,000 sa ikaapat na paglabag at maaari ring suspendihin o kanselahin ang lisensya.
Leave a Comment