Sorry sa Traffic!

Nagdulot ng mabigat na daloy ng trapiko sa mga pangunahing lansangan ng Metro Manila at maging sa mga karatig lugar ang P10 kada litro ng gasolina at diesel na promotional sale ng isang kumpanya ng langis kahapon ng umaga hanggang tanghali.
Walang anunsyo hinggil dito kung kaya’t maraming motorista at commuters ang nagulat at naperwisyo sa traffic.
Dahil dito, humingi ng paumanhin ang Phoenix Petroleum Philippines Inc. subalit nagpasalamat din sa lahat ng tumangkilik sa kanilang promo na isinabay sa ika-10 anibersaryo nito kahapon.
Dahil sa naranasang mabigat na daloy ng trapiko, nag-post sa kanilang Facebook page ang kumpanya para hu­mingi ng tawad sa mga nadismayang motorista at commuters.
Sa pahayag ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), nag-umpisang magkabuhul-buhol ang trapiko bandang alas-10:00 ng umaga dahil sa mara­ming mga motorista ang na­ka­pila sa mga gasoline station ng naturang kumpanya na nagbigay ng murang presyo sa kanilang mga produktong petrolyo.

Isa ang gas station sa West Fairview, Quezon City na pag-aari ni Yolly Montenegro sa nag-promo sale at sinabi nitong hindi nila inaasahan ang walang tigil na pagdagsa ng mga motorista upang magpakarga ng gasolina.
Nabatid na nagbigay ng promo sale ang Phoenix na P10 kada litro ng gasoline at diesel bilang pasasalamat nito para sa kanilang ika-10 anibersaryo.
Napag-alaman na nasa 19 na gasoline station ang nagpatupad ng P10 kada litro sa buong Metro Manila na nagdulot ng usad-pagong na trapiko mula alas-10:00 ng umaga.
Base sa traffic management application na Waze, naging mabigat ang daloy ng trapiko sa Timog Avenue, Quezon City; 3rd Avenue, Taguig City; North EDSA, Mindanao Avenue at sa kahabaan ng EDSA, Pasay City patungong Mall of Asia (MOA) kung saan mayroong mga gasoline station ng Phoenix.
Maging sa area ng Pasig, Marikina hanggang Antipolo ay nagdulot din ng mabigat na daloy nang trapiko dahil sa mga nakapilang mga motorista sa mga gasoline station.
Sinabi naman ni retired Gen. Roy Taguinod, director ng Traffic Enforcement Unit ng MMDA, nakadagdag pa sa mabigat na daloy ng trapiko sa mga pangunahing lansangan ang ilang insidente ng road accidents.
Aniya, may nagbanggaan na mga sasakyan sa may Annapolis-EDSA-Shaw northbound lane sa Mandaluyong City kahapon ng hapon subalit agad naman itong naigilid at naiayos ang trapiko.
Nagkaroon din aniya ng aksidente sa Katipunan, Ortigas Avenue, Mindanao–Congressional intersection.

No comments

Powered by Blogger.